Martes, Marso 15, 2011

Frozen Yogurt



Sorbetes na hindi nagpapataba. Yan ang kailangan lalo na sa industriya natin na hinahangad maging flight attendant. Ngayon pwede na natin ma-enjoy ang sorbetes ng hindi iniisip ang dulot nito sa ating katawan! Dahil meron ng FroYo dito sa Pilipinas :) Ang frozen yogurt, o mas kilala bilang froyo, ay isang sorbetes na may yogurt kaya ang lasa nito ay maasim. Ito ay hindi nagpapataba o tinatawag na "guilt-free" kumpara sa regular na sorbetes na nabibili natin sa kung saan-saan.

Una akong nakatikim ng froyo sa V Mall sa Greenhills. Bago pa lang yun ay naririnig rinig ko na ito sa iba kong kaibigan. Ito raw ay sobrang masarap. Hindi naman talaga ako mahilig sa yogurt. Ang totoo nyan, ayaw ko ng lasa nito. Ito ay maasim at walang kasarap-sarap. Kaya hindi ko pinansin ang mga papuring binigay ng aking mga kaibigan sa froyo. Isang araw nadaan kami sa V Mall at meron doong tindahan ng froyo. Ikaw ang mamimili ng toppings mo.  Napakahaba ng pila. Na-intriga kami ng aking tita kaya bumili kami. Ito ay maasim pero mayroong kakaibang lasa na napakasarap! Simula noon ay palagi na akong bumibili nito kapag may nadadaanan na tindahan. 

Kung ako nga, na ayaw na ayaw sa yogurt, e nabaliw sa froyo, kayo pa kaya? Masarap kaya, try mo! :)) Kanina lamang ay galing na naman kami sa Greenhills at syempre hindi namin pinalampas ang pagkakataon upang bumili ng froyo. Ang payo ko lang sa mga bibili, lagyan nyo ng crushed graham :)

Ang tao sa mundo ay may iba ibang klase ng panlasa. May mga gusto ng maanghang, may gusto ng maasim, may iba naman ay matamis at ang iba naman ay gusto na maalat. Iba iba rin ang klase na gusto ng tao tulad ng mga Amerikano, Chinese, Hapon, Koreano at Filipino. Sa iba't ibang dako ng mundo, bawat tao ay may hinahanap na kakaibang lasa na makapupuno sa kanilang mga kumakalam na sikmura o kaya naman sa mga gusto lamang tumikim ng bagong pagkain.
Sa tanang aking buhay, ang pinakamasarap na pagkain na natikman ko na siguro ay ang lasagna. Naaalala ko pa ang unang beses na ako ay nakakain nito sa Greenwich. Sa sobrang sarap ay pakiramdam ko, sa bawat subo ay may fireworks na nagliliparan sa langit at may mga naririnig pa ako na mga anghel na humuhuni ng iba't ibang tunog. Sa katunayan ay sinubukan ko na din gumawa ng lasagna sa sobrang kagustuhan ko dito. Ito ay kilala na sa buong mundo at nakikita o nabibili natin sa mga restaurants at ilang piling lugar tulad ng Greenwich, Pizza Hut, French Baker, Dulcinea, Sbarro, Goldilocks at marami pang iba. May mahal at mayroon din na mura. Marami na rin ang nagtangkang baguhin ang timpla o lasa nito. Iba’t ibang lasagna na ang aking natikman, mayroong masarap, mayroong di naman gaano at mayroon din naman na sakto lang ngunit, ano nga ba ang lasagna?  
Ang Lasagna ay isang uri ng Italian dish na binubuo ng pinagpatongpatong na pasta, meat sauce, cream sauce at cheese. Lulutuin mo sa iba’t ibang lutuan ang bawat layer. Ang meat sauce ay pinaghalong bawang, ground beef, paminta, oregano, bacon, tomato sauce at tomato paste sa isang lutuan. Ang cream sauce naman na gawa sa evaporated milk, butter, oregano at beef broth cubes sa isa pang lutuan. Pagkatapos pakuluan ang pasta na pang lasagna at gayatin ang keso ay pwede na ilagay sa isang glass pan. Unahin ilagay ang pasta, sunod ang meat sauce, cream sauce at cheese at ihelera ng paulit hanggang sa makamit ang inaasam na taas ng lasagna. Lutuin sa oven ng ilang minuto at puwede na kainin. Masasabi natin na sa unang tingin pa lamang ay matatakam ka na. Bawat subo ay umaapaw ng kasarapan at hindi lamang sarap kundi sustansya din dahil ito ay may gatas na nagbibigay ng Calcium para sa buto at ngipin, tomatoes na nagbibigay ng lycopene para sa puso, protein mula sa karne at carbohydrates mula sa pasta nito. Ang isang putol ng lasagna ay may mataas na fat content ngunit kung pang okasyon, hindi pangaraw-araw na pagkain at sa tamang mederasyon, mairerekomenda ito sa mga naghahanap ng masarap na kakainin.
Maraming masasarap na pagkain hindi lamang dito sa ating bansa kundi sa buong mundo na din. Mayroong iba’t ibang paraan ng pagluto, iba’t ibang mga nilalaman at iba’t ibang mga itsura. Ano man ang mangyari, ang pagkain, kahi sino pa man ang kumain, sigurado ay may paborito. Ano man ang sabihin ng iba, para sa akin, wala pa ring tatalo sa lasagna. :



Napakainit sa Pilipinas kaya hindi na bago sa atin na makakita ng mga tindahan ng mga pampalamig sa bawat kanto saan mang sulok ng ating bansa. Para sa akin, wala nang mas sasarap pa sa pagkain ng ‘Ice cream’ o sorbetes sa kainitan ng panahon ngayon na dulot ng ‘climate change.’

      Halos lahat ng mga Pilipino – matanda o bata, mahirap o mayaman, ay mayroong tinatawag na “sweet tooth.” Masasabi kong kabilang ako sa kanila. Ako ay mahilig sa matatamis lalo na sa ‘Ice cream.’ Masarap na, mura pa! Akalain niyong may mabibili ka nang sorbetes sa halagang P5 lamang.

     Walang pinipiling edad sa pagkain ng Ice cream. Ito ay nagbibigay ng kasiyahan sa mga kumakain nito. Kahit ang mga may diabetes ay pwede na ring kumain ngayon dahil mayroon nang Ice cream na ‘sugar-free.’ Hindi ito nawawala sa mga handaan tulad ng kaarawan, binyag, anibersaryo, pasko, bagong taon at iba pa. Masasabi kong ito ay isa sa mga inaabangan ng mga bisita bilang panghimagas.

      Halos linggo linggo ay kumakain ako ng Ice cream: sa bahay at kahit sa aking paaralan. Madalas kaming bumibili nito sa Ministop sa Dapitan matapos mananghalian. Tamang tama ito para mapawi kahit papaano ang nararamdamang init sa Maynila. Kulang pa ang mga salita upang ipahayag ang tuwang nararamdaman ko tuwing ako ay nakakakain ng Ice cream. Nababago nito ang aking mood; halimbawa, kung ako ay nalulungkot, ang pagkain ng Ice cream ay makapagdudulot ng ngiti sa aking mga labi. Ang pinakapaborito ko ay ang Ice cream na mabibili sa Dairy Queen (DQ).

      Kaya't kung ikaw ay naiinitan, tumakbo na agad sa pinakamalapit na tindahan at sabihing "I-SCREAM FOR ICE CREAM!"
 

Bakit ba ang sarap sarap ng kare kare? Bakit kakaiba ito kainin? Anong bang meron ito na wala sa iba?
Ito ang masasabi kong pinakamasarap na pagkain para sa aakin. Bagamat walang lasa kung kare kare lang mismo, pag sinamahan mo naman ng Bagoong ay tiyak ikaw mapapapikit sa sarap. Kakaiba ito sa lahat; kung paano inihanda, paano niluto at kung paano kakainin. Talaga namang maraming tao ang hindi tumatanggi pag inalok ng kare kare. Ito ang paborito kong ulam at may kakaibang nararamdaman ako tuwing kinakain ko ito.

Ano nga ba ang mga sahog nito, siyempre and pinaka impotante ay ang mani(peanut) ito ang nagbibigay ng kakaibang lasa sa kare kare. Ang iba pang sangkap nito ay ang karne at twalya, puso ng saging, sitaw, pechay at talong. Yan ang mga pangunahing sahog ng kare kare na hahanapin mo.

Saan nga ito matitikman? Napakaraming kainan ang naglalagay ng kare kare sa kanilang menu, dahil talgang mabenta at marami din umoorder nito. Isa sa pinakamasarap na naghahanda ng kare kare ay ang Max restaurant na matatagpuan sa mga mall at iba pang mga bigating lugar.Talagang sulit, masarap, malambot and karne at hindi nakakasawa. Kahit ang mga "eat all you can" na mga kainan tulad ng Cabalen at Kamayan ay nag hahanda din ng kare kare. Sa katunayan pag kumakain kami sa mga restaurants, ang pinakamarami ko laging kinukuha ay ang Kare Kare at bahagya akong sumandok ng kanin.

Hindi ka manghihinayang kung Kare kare ang putahe mo dahil ito ay nagbibigay saya sa bawat taong kumakain nito, kaya ano pa ang hinihintay mo. Tara na't kumain tayo ng kare kare to the Max!

 


           Ano nga ba ang Chicken Teriyaki? Masarap ba ito? Makakapunta ka bang langit kapag ito ay natikman mo? Sulit nga ba ang binayad mo? Tataba ka ba dito? Ano ang benepisyo nito sa katawan mo? Tunay nga ba itong nakaka-akit kung ito ay titignan pa lamang? Yaan ang mga tanong na noon ay hindi ko masagot. Noong ako ay nasa huling taon ng pag-aaral ng hayskul ay natagpuan ko ang isang kainan sa Eastwood na nag ngagalan na Jacksloft. Narinig ko ang mga haka-haka ukol sa Pinagmamalaki nitong Chicken Teriyaki na naglalaman ng hiwa-hiwang karne ng manok na binalutan ng “breading”, espesyal na sauce, “veggies” na nakalagay sa ibabaw ng kanin.

          Ang Chicken Teriyaki ay isang pagkain na galing sa bansang hapon. Masasabi kong nahagkan ko ang langit noong ito’y matikman ko na tumatayo pa ang aking balahibo sa sobrang sarap na hindi ko maintindihan at wala na kong masabe dahil ito ay napaka-perpekto para sa aking pang-lasa. Napag-alaman ko din na ito ay hindi makaka-apekto sa paglaki ng ating mga katawan o pagtaba sapagkat ito ay umaayon sa “2000 calories diet”. Malinamnam na, masustansya pa, sapagkat ayon sa aking research ang white meat na nanggagaling sa mga manok ay nakakatulong upang hindi tayo magkaron ng colon cancer dahil ito ay mabilis na naipoproseso sa ating katawan di katulad ng mga karne galing sa baka o mga baboy. Ang mga “veggies” din ay nakakatulong upang tayo ay magkaron ng “balanced diet”.

         Sa kabuuan, Ang pagkain ko ng Chicken Teriyaki ay mahahalintulad ko sa isang panaginip na ayaw ko ng magising dahil sa sarap na natitikman ko habang kinakain ito. Makakain mo ang Paborito kong Chicken Teriyaki sa mga Kainan ni Jack o Jack loft sa Trinoma, Eastwood at Il Terrazo sa Morato. Damahin ang langit at humalakhak, Tara na at kumain ng Nakakapag-pangiti na Chicken Teriyaki!

Hmm. Nakakagutom diba?
Nakaka-WOW talaga :)
                Hindi maikakaila na sa ating mga Pilipino ang hilig sa pagkain, kung ano man ang makita diyan diyan, saan ito mabibili o kahit anong oras, walang pinipili, ngunit isa lang ang ating na kasanayan tuwing gabihan, ito ay ang kanin at ulam, na puwedeng tuyo o masabaw, ngunit sa karamihan sa atin, ang may sabaw ang gusto; kakapit na sa kulturang Pinoy. Kilala rin tayong mga Pilipino na mahihilig sa pagkaing malalasa, matatamis o maaasim, nakabubusog at abot kaya ng bulsa. Ano nga ba ang S.N.B? Ano sa inyong palagay? 
Ito lang naman ang isa sa pinakasikat na putahe na nagmula sa ating bansa; ang Sinigang Na Baboy; pinaasiman na timpla ng baboy, ngunit isa pa rin itong misteryo para sa akin, kung kailan, paano, at sino nga ba ang mga nakabuo ng napakasarap na lutuing ito. Basta sa aking kaalaman at sa aking natatanging tiyan, isa ito sa pinakamasarap na putahe na iswak sa aking panlasa at maipagmamalaking maihahain ng isang Pilipino sa kusina.

Sitaw, kangkong, sampaloc, baboy; ilan lamang iyan sa mga sangkap kapag gusto mong magluto ng sinigang. Masasabi kong hindi biro ang magluto nito dahil nasubukan ko nang magluto nito noon, at talagang dapat ay tantsado mo ang lasa, asim at linamnam na tama lang sa iyong gustong maasam, dahil kapag nasobrahan ka sa asim o linamnam nito ay ikaw na naman ay magdadagdag nang kung ano pa man upang magbalanse ulit ang lasa. Ang karaniwang ginagamit na pangpaasim dito ay sampaloc, na ayon sa aking mga nabasa, ito pala ay nakakatulong sa mga sakit sa tiyan. Ang maganda rin sa putaheng ito, ito ay naglalaman ng iba’t ibang gulay, katulad nung mga binanggit ko sa itaas, at puwede pa itong dagdagan ng iba pang gulay ayon sa inyong kagustuhan; na nagbibigay ng mga kaukulang sustansiya sa mga kumakain nito. At kung wala ka namang baboy diyan sa bahay mo, ay puwede rin naman ang hipon o manok ang ilagay, ngunit iba pa rin talaga kung baboy, dahil sa aking palagay, mas nakakapagbigay ito ng lasa, na siksik sa mga laman nito. 

Sa aking opinyon, tila nga isa na ito sa madaming madaming lutuin dito sa Pinas, ang tiyak na hahanap-hanapin ng mga 1st time pa lang na makatikim nito; katulad ng mga dayuhan, dahil iba talaga ito kung ikukumpara sa pagkain sa kanilang bansa at sa ibang mga pagkain na matatagpuan lamang dito. Ito ay kakaiba o iba ang dating, lasa pa lang; talagang ikaw ay mapapasigaw na sa sarap o mapapatayo sa tuwa, dahil sa halo ng asim ng sampaloc, na sasamahan pa ng tamang lambot ng baboy, tunay na ngang kay sarap. Matuturingan ko na rin itong isa sa pinaka-paborito kong pagkaing Pinoy, dahil parang ito na rin ang nagpapaalala sa akin na tayong mga Pinoy ay hindi lang puro matatamis o puro maaanghang ang gustong kainin ngunit gusto rin naman natin makatikim ng onting asim o sarap sa ating buhay kusina. Siguradong kung tamang-tama ang timpla, at sakto ang pagkaluto sa mga gulay at sangkap nito, tiyak! amoy pa lang, ulam na. Kaya, sinigang na baboy, ngayon at kailanman, siguradong, hindi kita malilimutan.

  

        Unang una sa lahat, maraming Pinoy ang mahilig kumain ng pica-pica o ready to eat food na katulad ng siomai at waffle na madadaanan natin bago umakayat ng LRT station sa Legarda. Sa mga stall na nagtitinda ng pagkain, ang unang makikita mong katakam-takam ay ang shawarma kung saan makikita mo ang karne na nakatusok patayo sa my ihawan nito. Sa pag-titig mo pa lamang ay paniguradong masarap ang karne dahil ito ay makatas. Sa mga natikman ko ng mga shawarma, ang pinakamasarap ay sa Turk’s Shawarma sa my SM foodcourt, kahit bago lamang ang Turk's Shawarma, mahahalata mo na ang karne ay makatas at mabango na siguradong mapapabili ka ng shawarma.

      Sa mga araw na gusto mo ay mag-food trip lang o kaya kumain lang habang my binibili si mommy sa grocery, ang Turk’s Shawarma ang agad kong pinupuntahan para makakain ng masarap at katakam-takam na shawarma. Sa pag-hihintay ng iyong order sa shawarma pananabik at pagkatakam ang iyong mararamdaman dahil makikita mo na isa-isang nilalagay ang mga sangkap sa isang pita bread na ipinapainit sa my ihiwan. Makikita mo ang  paghiwa at paglagay ng karne ng baka, isusunod na ang sibuyas na mas ng papalas ng karne, ang kamatis na mas ngpapasarap pa sa halo sa lasa ng karne, ang pipino na ngpapatamis at ang magpapakumpleto pa sa mas masarap na shawarma ay ang garlic sauce na ikinakalat sa ibabaw ng mga palaman at ito’y irorolyo pagkatapos ito’y gawin. Sa unang kagat ay mapapawi agad ang iyong katakaman at pagkagutom sapagkat nalalasahan mo na ang tamis na my halong asim na halos di mo na maipaliwanag ang lasa nito sa sobrang sarap. Sa una kong pagtikim ng shawarma ng Turk’s ako’y nasarapan at kahit hindi ako masyadong mahilig sa gulay, ang shawarma ng Turk's ang naging paborito kong putahe dahil ang mga gulay na nilalaman nito ang nagpapakumpleto ng lasa ng tunay na shawarma na pumupuno sa pangangailangan ng aking bibig.

            Maraming masasarap na putahe katulad ng sinigang, adobo, kaldereta at iba pang mga putahe na may mga karne na may sauce at mga gulay. Pero para sa akin ang shawarma pa rin ang pinakamasarap na pagkain na may sauce, karne, at mga gulay. Katulad sa ibang putahe madalas may karne katulad rin shawarma, may gulay na ihinahalo para mas mapasarap pa, may sauce na inilalagay para mas makumpleto ang lasa at sa karaniwang putahe ito ang sabaw na mas nakakatakam. Sa pagbuo ng araw ko na matikman ang katas at ang kapanapanabik na lasa ng karne, ang palaman pa nito at sa pagkumpleto ng putaheng ito ang pita bread na nag-bibigay kanin sa ulam na nakapalaman rito. Minsan nararamdman ko na hindi kumpleto ang araw ko kapag hindi ako nakakain ng shawarma. Shawarma ang nagbibigay ng iba’t ibang kulay na parang kuwitis na pumuputok putok habang sa kinakain ito. Sa bawat oras naiisip ko na kapag kumakain ako ng shawarma, nabibigyan ako ng panandaliang saya. Lalu na ang Turk’s Shawarma na na aking nagustuhan at babalik balikan. 

Mango Graham Cake

Ang mga Pilipino, mahirap man o mayaman ay laging may handa tuwing Pasko o ma pa Bagong taon man.  Ang iba kahit walang perang pambili ng pagkain ay nakakagawa pa rin ng paraan upang magkaroon ng handa tuwing may okasyon.  Kahit simpleng  pancit at juice lang ang nakahain sa hapag- kainan, masaya pa din ang buong pamilya dahil sila’y sama- samang nagdiriwang.  Para naman sa mga taong may sapat na budget para bumili ng pagkain, malimit na makikita sa kanilang hapag- kainan ang menudo, fried chicken, kaldereta, spaghetti, leche flan, salad at marami pang iba.
               
                Sa aming pamilya, hindi nawawala ang spaghetti, fried chicken, sandwich, kare- kare, buko salad, at higit sa lahat ang mango graham cake.  Sa lahat ng aming mga handa, ang graham cake ang pinakapaborito ko.  Ako ang madalas na naaatasan upang gumawa nito, kaya naman kabisado ko na ang mga sangkap nito.  Kung gusto mo ring gumawa nito, narito ang mga sangkap para dito: graham crackers, crushed grahams, all purpose cream, manggang hinog, at malapot na gatas.  Kapag nakumpleto mo na ang mga sangkap , maaari mo nang simulan ang paggawa ng graham cake. Kapag natapos ka na sa paggawa, ilagay mo ito sa freezer ng isa hanggang dalawang araw.  Kapag lumambot na ang crackers nito, maaari na itong kainin at tiyak na masisiyahan ang buong pamilya.

                Bata man o matanda, siguradong magugustuhan nila ito.  Kaya naman sa nalalapit na kapaskuhan, mas pasarapin at mas pasayahin ang inyong pagdiriwang.  Maaari niyo rin itong ipangregalo sa inyong mga minamahal at tiyak na magugustuhan nila ito.  Napakadali lang gawin nito at isa pa hindi ito mabigat sa bulsa.  Makakapagrelax pa kayo habang kumakain nito.  Sa tamis at sarap nito, siguradong hindi kayo makakapagpigil na ihanda ito sa tuwing may okasyon. The best talaga ang graham cake! Kaya naman gumawa na din kayo nito. Bukod sa masarap na, may instant cake ka pa!

       Oh kay sarap namang mabuhay kasama ang mga taong mahal natin, at kasama rin ang mga bagay na ating hilig at kinalolokohan. Isa na rito ay ang pagkahilig natin sa iba't-ibang putahe ng ulam o pagkain mula sa iba't-ibang kultura. Napakaraming pagkakataon na may mga tao, lalo na tayong mga Pilipino ang nagkakaroon ng hilig sa mga pagkain mula sa ibang bansa lalo na ang mga pagkain sa fastfoods, gaya ng pritong manok, ispageti,french fries, burger, at pizza na mula pa sa Amerika at Italya; isa ring halimbawa ay ang kimchi, siomai, at siopao mula sa iba pang bansang asyano. Ngunit sa kabila ng mga ito, ay mayroon pa rin namang tumatangkilik sa ating sariling putahe; isa na ako sa mga iyon. Sa halos lahat ng pagkaing aking natitikman bawat araw ay katangi-tangi ang Kare-Kare para sa akin, kahit na ako'y hindi mahilig sa gulay ay iba talaga ang hatid nitong sarap, iyong para bang kapag nginunguya mo ito’y pakiramdam mo’y nasa langit ka na o iyong pakaramdam na sobrang saya kahit iyon at iyon lamang ang kakainin mo.
        
       Kay linamnam naman ng ating malalasahan kapag naluto na ang pinaghalo-halong sangkap ng Kare-Kare. Ang mga ito ay: tuwalya ng baka na tumutulong sa paglinis ng ating bituka dahil sa fibers nito, kutsarang asin na nagbibigay ng iodine, puso ng saging na bukod sa nagbibigay potassium, ito rin ay makatutulong para sa mahimbing na pagtulog, kasama rin ang talong at sitaw na nagbibigay ng iba't-ibang sustansya para sa malakas na katawan at pampahaba ng buhay, ang peanut butter at Kare-Kare mix na nagsisilbing sabaw nito na nakapagbibigay enerhiya dulot ng fats mula rito, at ang pinaka importateng pampalasa at pampasarap na bagoong alamang. Ang ganitong putahe ay mabibili sa iba't-ibang kainan at mga Carinderia kaya madali natin itong makakain sa oras man na gustuhin natin; pero para sa akin ay walang katulad at walang magiging kasing-sarap ang Kare-Kareng inihahain ng aking tiyahin sa aming tahanan. Dahil nalalasahan ko ang sarap at linanam ng malapot na sabaw at karne na may kasabay na bagoong alamang, ang mahusay na pagkakaluto sa mga gulay, pagkatimpla sa sabaw, at masarap na bagoong ay talaga namang kay linamnam at kalasapsap sa pakiramdam.

       Kay saya ng nararamdaman ko sa tuwing ako'y kumakain nito; kung minsan nga ay natatakam na agad ako kahit makakita pa lang nito. Habang kumakain naman ako nito ay para bang nasa langit ako, kulang na lang ay ipikit ko ang aking mga mata at damahin ang lasap na aking natitikman habang nginunguya ang karne nito; pero hindi ko iyon nagagawa dahil kadalasang may kasabay akong kumain at baka kasi makita ako ng ibang tao at akalain pa nilang nababaliw ako; pero kung talagang masarap naman kasi edi baka hindi ko tlga mapigilan ang sarili ko. Kahit na mabigat ito sa tiyan, kung minsan ay hindi ko namamalayan kung nakaka-ilang sandok na ako ng kanin at ulam. Talagang nakapagbibigay kasiyahan sa akin ang Kare-Kare; at para naman sa iba na may iba't-ibang hilig rin ay alam kong kumpleto na agad ang araw nila, matikman lamang ang kanilang paboritong pagkain. Kani-kanyang hilig naman iyan eh, kung ano ang nagpapasya sa atin ay dapat nating bigyan importansya upang maging makabuluhan at mas masaya ang ating buhay.
 
Sa hirap ng buhay ngayon, marami sa atin ang naghahanap ng isang pagkaing magdudulot sa atin ng kasiyahan sa abot kayang halaga. Ang temperatura dito sa ating bansa ay pabago- bago dulot na rin ng di- tiyak na klimang sanhi ng "climate change". Ngunit kadalasan ay sobrang init talaga lalo na tuwing tanghali. Huwag nang mag-alala sapagkat ang mga mamamayan ng TONDO, MANILA ay may sagot na sa iyong problema! Ang SWIRLY BITZ!

Ang pangalang swirly bitz ay hango sa "swirly bitz ice cream" ng Jollibee fastfood. Ito ang ginamit na pangalan sapagkat pareho ng flavor ( cookies and cream) ang dalawang panghimagas na ito. Ang swirly bitz ay isang shake na gawa sa keso, gatas na malabnaw, chocolate cookies with vanilla fillings, asukal, tubig, at syempre yelo. Mas masarap ito kung may kasamang itim na sago. Mabibili ito sa Varona St. corner Trinidad, Velasquez, Tondo, Manila. Dahil karamihan sa mga kasangkapan nito ay dairy products, mayaman ito sa calcium pangpatibay ng buto at glucose na galing sa asukal na nagpapalakas o nagbibigay enerhiya sa katawan. Ang huli ay ang yelo na nagbabalanse ng temperatura ng katawan kapag mainit ang panahon. Ang lahat ng ito ay iyong mararanasan sa halagang 15 piso lamang at 18 piso kapag may kasamang sago.

 Noong nakaraang taon ko lang ito natuklasan at labis akong natuwa sa panghimagas na ito, madalas ko itong bilhin tuwing gabi dahil kadalasan ay gabi na ako umuuwi galing eskwelahan. Nairekomenda ko na rin ito sa mga kapatid ko at maging sila ay tinatangkilik ito.Ang swirly bitz ay tiyak na palalamigin ang naiinitang katawan ng mga pinoy at mas patatamasin ang iyong buhay. Ano pang hinihintay mo? Tara at bumili na ng COOKIESulit! COOKIESarap! SWIRLY BITZ!

mga madadaming pagkain

 Kung tatanungin mo ang isang tao kung ano ang kanyang paboritong pagkain, paniguradong hindi lang isa ang masasagot nito. Katulad ko marami akong paboritong pagkain at isa na rito ang Tinolang Manok.

 Ang Tinolang Manok ay isang masustansyang uri ng pagkaing Pilipino na may sabaw at sinasahugan ng laman ng manok, luya , luntiang papaya at iba pang gulay. Ito rin ay minsang sinasahugan ng malunggay at maraming nutisyon ang nakukuha rito gayun din sa mga ibang sangkap nito. Ang putaheng ito ay madalas makita sa mga carinderia at talaga namang abot kaya ang presyo.

Isa ito sa aking paboritong pagkain sa kadahilanan na ito'y masarap at malasa at dahil na rin mahilig ako sa anumang putahe na may laman ng manok. Tuwing nagluluto ang aking nanay ng ganitong putahe tuwing tanghalian, sobrang nasisiyahan ako at napapadami ang aking kain na kahit busog na ako ay kain parin ako ng kain.

Para sa akin, isa ito sa pinakamasarap na pagkain sa buong mundo at kahit kailan hndi ako magsasawa kumain ng Tinolang Manok. Kaya mag paluto na at kumain ng Tinolang Manok upang mapabokbokbok na rin kayo sa sarap at linamnamn nito!




Ang bawat tao sa mundo ay may kanya-kanyang pangarap, pananaw sa buhay, kahinaan, kalungkutan, kinatatakutan at kasiyahan. Sa madaling salita, ang bawat indibidwal sa mundo ay may pagkakaiba sa ayaw man natin o sa gusto at isang halimbawa ng ating pagkakaiba ay ang ating mga panlasa sa bawat pagkaing ating natitikman. Mayroong pagkakataon na ang pagkaing iyong kinahihiligan ay siya namang kinasusuklaman ng iba at halos masuka-suka na sa tuwing ito ay kanilang naamoy o nakikita pa lamang at kung minsan nama’y kung ano pa ang iyong pinakaayaw na pagkain at kulang na lamang ay isumpa mo ito dahil sa ayaw ito ng iyong panlasa ay siya namang kinahihiligan ng iba at sarap na sarap pa sa pagkain nito. Tunay nga namang iba-iba tayo ng panlasa pagdating sa pagkain at kung paguusapan natin ang mga bagay patungkol dito nais kong itanong ang isang bagay sa iyo. Ano nga ba ang paborito mong pagkain?

    Nais kong ibahagi sa inyo ang pinakapaborito kong pagkain sa balat ng gulay este lupa pala (haha!). Sa totoo lang gusto ko talaga ang pagkain ng mga gulay ngunit sa lahat ng mga gulay na natikman ko ito talaga ang pinakagusto ko, ang ginisang ampalaya na may itlog! Hindi ko malaman kung bakit sa lahat ng mga gulay na kinakain ko sa bawat araw ay ito ang napili ko basta ang masasabi ko lamang ay napakasarap nito at dahil sa hilig ko nga itong ulam na ito ay umabot sa puntong nagpaturo pa ako sa aking ina kung papaano ito lutuin, natutunan ko ang pagluto nito noong nakaraang sembreak lang at napagalaman kong napakadali lamang pala ng proseso ng pagluto nito. Gusto niyo bang malaman kung papaano ito? Simple lang, una, igigisa mo muna ang bawang, sibuyas at kamatis sa kawali pagkatapos ay ilagay na rin ang karneng hiniwa ng maliliit na hugis pahaba at lagyan ng kaunting patis atsaka muna ito takpan upang lumambot ang karne at matunaw ang kamatis. Matapos lumambot at matunaw ang karne at kamatis ay maari mo ng ilagay ang hiniwang ampalaya pero huwag mo ito masyadong haluin upang hindi lumabas ang pagkapait nito. Hayaan muna ito ng ilang minuto at pagkatapos ay lagyan na ito ng itlog. O diba, napakadali lamang lutuin tiyak na hindi ka pagpapawisan at hindi lamang iyan alam niyo ba na ang ampalaya ay nagbibigay ng iron, folic acid, phosphorous at calcium  sa katawan isama mo pa ang taglay nito na bitaminang A, B at C kung kaya’t napakasustansya rin nito. Kaya’t kumain na ng ampalaya ng ika’y sumigla!

    Hindi man kaaya-aya sa paningin ang mga gulay gaya ng ampalaya di hamak naman itong masustansya kumpara sa ibang mga pagkaing katakam-takam na dulot naman ay komplikasyon sa kalusugan.  Subalit  sa kabila ng mga komplikasyong dulot ng mga pagkaing hindi masusustansya, napakalungkot isipin na mas pinipili pa itong kainin ng mga tao kumpara sa mga masusustansyang pagkain gaya ng mga gulay. Ngunit hindi rin naman natin masisisi ang ating mga sarili kung mas gugustuhin natin ang pagkain ng masasarap na dulot lamang ay pagbibigay timbang at pagdadagdag taba sa ating katawan dahil ang mga pagkaing ito ay hindi maikakailang napakasarap naman talaga kumpara sa mga gulay na lasang mga dahon lamang pero ang masasabi ko lang ay dapat pa rin nating pangalagaan ang ating mga sarili at panatilihin itong malusog kahit na humaharap tayo ngayon sa panahon kung saan nagkandarapa na sa paglaganap ang mga pagkaing masasarap na walang sustansyang maidudulot sa ating katawan. Dapat alam nating balansehin ang lahat ng mga bagay na ating kinakain at alam din natin kung kalian kokontrolin ang ating sarili sapagkat kung hindi, sa bandang huli, ang ating murang katawan ang siya ring mahihirapan.
 
 

           Ang Pilipinas ay isang bansang mayaman sa kultura. Ang isa sa nagpapayaman ng ating kultura ay ang pagkain ating kinakain sa araw araw. Kagaya ng ibang bansa, maraming masasarap na pagkain ang matatagpuan sa Pilipinas. Bagama’t hindi local na pagkain ang Pizza, ito ay ang aking pinakapaboritong pagkain. Ang Pizza ay isang pagkain na orihinal na nagmula sa gitnang silangan. Ngunit paglipas ng panahon, ang pagkain ito ay kumalat na isa iba’t ibang lupalop ng mundo. At ngayon, kasalukuyang tinatangkilik ng mga tao na may iba’t ibang edad lalong lalo na ng kabataang tulad ko.

            Ang Pizza ay isang pagkain na karaniwang pabilog sa itsura. Ngunit, paminsan naman ay niluluto ito na pakuwadrado. Madalas, ang pizza ay may karne, keso at tomato sauce. Subalit sa panahon natin ngayon, marami ng uri ng pizza ang makikita .  Paborito ko ang Pizza dahil sa maraming katangian tinataglay nito. Una, nagtataglay ito ng kakaibang sarap. Ang sarap na ito ay malalasahan mo lamang tuwing sa kakagat ka sa pagkain ito. Ang sarap na ito ay mararamdaman mo na dumadaloy sa iyong buong katawan. Ikalawa, ang halimuyak ng amoy nito ay magbibigay sayo ng kakaibang gana upang kumain. Ang amoy nito ay napakabango na magdudulot sayo ng pagkabusong kahit hindi mo pa natitikaman ang pagkain ito. Ikahuli, ang saya nagdudulot sa pagkain ng pizza ay ang pinakaimportante para sa akin. Ang simpleng pagkagat lamang nito ay nagbibigay na sa akin na kasiyahan sa buong araw. Ang kasiyahang ito ay nagbibigay lakas sakin upang maipagpatuloy ko ang aking mga gawain sa isang araw.

            Sa araw na araw na pamumuhay ng isang Pilipino, hindi mawawala ang pagkahilig nito sa pagkain. Ang pagkain ay isang bagay na magbibigay sa kanya ng lakas sa araw na iyon. At ang isa sa mga pagkain nakapagbibigay ng lakas at saya sa mga tao ay Pizza. Maaring hindi ito isang local na pagkain sa ating bansa, subalit hindi ito dahilan upang hindi ito magustuhan ng tao. Kung gusto mo makaramdam ng kakaibang sigla at saya, subukang kumain ng pizza at siguradong hindi ka nito bibiguin. Busog ka na, Masaya ka pa.
 

Iba’t ibang lahi, Iba’t ibang pananaw, Iba’t ibang kulay, Iba’t ibang ugali, Iba’t ibang layunin, Iba’t ibang misyon, at hindi imposibleng Iba’t iba din ang ating mga panlasa. Sa dinami dami ng tao ay sapalagay ko ay ganun din kadami ang klase at uri ng pagkain.

Ano ang paborito mong pagkain? Napaka simpleng tanong pero napaka daming posibleng sagot. Minsan, ang mga pinaka simple tanong pa ang mga pinaka mahirap na sagutin. Sa aking paggawa ng asignatura na ito ay naka tatlong ulit ako dahil hindi ko lubos maisip kung ano ang paborito kong pagkain. At ang pagkahaba-habang listahan sa aking utak ay bigla nalang nawala at naiwan ang isang pagkain na bumubuo sa aking araw at nakapagpapagaan ng aking kalooban tuwing ako ay nalulungkot. Sa madaling salita, ito ang aking comfort food at isa sa aking mga paboritong pagkain.

Ang Dear Darla ay isang uri ng pizza na mabibili sa Yellow Cab. Ito ay hindi pangkaraniwang pizza na basta basta mo nalang kakainin. Kagaya ng mga usong pizza ngayon, ito ay thin crust ngunit may kakaibang twist dito. Ang crust nito ay may keso, sibuyas, hipon at kabute. Kasama ng order na ito ngunit nasa hiwalay na lagayan ang arugula leaves, alfalfa sprouts at chili oil.

Kakaiba din ang paraan ng pagkain nito. ‘Di tulad ng karaniwang pizza na kakagatin mo na lamang, ang Dear Darla ay may kaunting twist na tiyak na magugustuhan ng kahit sino. Sa isang slice o lapad ng pizza ay ipapatong mo ang mga hiwalay na sangkap at ito ang arugula leaves, alfalfa sprouts at chili oil. Pagkatapos mo ipatong ang mga ito ay irorolyo mo ito na parang isang pita wrap at pwede mo na ito kainin. Kakaibang pizza hindi ba? Isa pang magandang bagay tungkol sa Dear Darla ay hindi ito masyadong nakakapagpataba kagaya ng normal na pizza na gusto ng karamihan sa atin ngayon dahil halos lahat ay weight conscious na.

Bakit ito ang aking comfort food? Sa kadahilanan na, hindi ako marunong magluto kaya’t pakiramdam ko ay ako ay nagluluto na ako kapag pinaglalahok ko ang mga sangkap at nirorolyo ko ang crust (haha). Pangalawa, napaka dali itong makuha. Pwede ka magpadeliver o pumunta ka lang sa kahit anong mall at may makikita ka nang yellow cab dahil merong 50 na sangay sa Metro Manila. Pangatlo, Hindi ko kailangan isipin kung gaano kadami ang aking kakainin dahil masustansya naman ito. At panghuli, para sakin ay, nagbibigay ito ng easy satisfaction at nakakapagpatanggal ng negative vibe sa aking katawan sa bawat subong aking kinakain.

Sa pangkalahatan, ito ay isa sa mga pagkain na masarap at masustansya. Kumbaga ito ay package. Lahat tayo ay iba’t iba pero kailangan natin mabuhay ng sama-sama. Gaya nga Dear Darla siguro, kapag tayo ay nagsama-sama, makakabuo din tayo ng magandang pagsasama at produktibong mga resulta. J





Matibay ba ang iyong sikmura ? Gusto mo bang tumibay ang iyong mga tuhod ? May isang yunik na pagkaing pinoy ang makakasagot sa iyong matagal ng paghahanap ng eksotik na pagkain.

Hindi ka tunay na pinoy kung hindi mo alam ang aking tinutukoy. Bata man o matanda, may ngipin man o wala. Basta hindi ka maarte sa katawan nakatikim ka na nito. Wala ng iba kung hindi ang sikat na balot. Sino ba naman ang hindi maiintriga sa pagkaing ito. Mukang nakakatakot ngunit kapag ito'y iyong sinubukang tikman hindi ka na titigil sa pagkain.

Ano nga ba ang nagpapasarap sa balot ? Simple lang, magandang kalidad ng itlog ng itik, maayos na pagkakaluto at isang napakasarap na suka na may kasamang sibuyas, sili, bawang at paminta. Daig mo pa ang napunta sa paraiso kapag nakakain ka nito.

Halos araw-araw ako kung kumain nito. Mahina na ang dalawang balot kada araw. Kadalasan lima hanggang sampung balot ang kaya kong ubusin kada araw. Hindi ko alam kung anong gayuma ang mayroon sa pagkaing ito at tila ako'y masyadong nahumaling. Pakiramdam ko ay kulang ang araw ko kapag hindi ako nakakatikim nito. Sa tuwing ako'y may problema napapanatag ang aking loob kapag nakakakain ako nito.

Kaya ano pang hinihintay mo ? Bakit hindi mo subukang kumain ng balot. Hindi lahat ng panget sa paningin ay masama na ang lasa, minsan may ikinukubli din itong sarap kung ito ay iyong nanamnamin. 
 

            Bawat tao, bata o matanda, babae o lalaki, ay may kanya-kanyang hilig sa pagkain. Mayroon tayong kinagugustuhang lasa at mayroon din namang kinaaayawan. Hindi ko maitatanggi ang pagkahilig ko sa pagkain dahil, maniwala ka man o sa hindi, likas na sa akin ang pagiging matakaw. Sa labimpitong taong pamumuhay ko sa mundong ito, nakatikim at nakakain na ako ng iba’t ibang klase ng pagkain, mapa-lutong Pilipino man o banyaga.

            Napakarami kong gustong pagkain dahilang hindi ko na ito maisa-isa pa. Ngunit sa dami nito, hinding hindi ko makakalimutan ang pagkaing pinakaumayon sa aking panlasa, walang iba at walang katulad – ang Pork Barbecue Ribs. Nakilala ko ito dahil sa pinakamatalik kong kaibigan na taga-Estados Unidos. Nang siya ay bumisita dito sa Pilipinas, tinreat niya ako sa isang restawran at ipinatikim ito, isa rin sa kanyang mga paboritong pagkain. Sa kagutom-gutom na itsura at mabangong amoy pa lang ay mukha nang masarap, ano pa kaya kapag natikman ko na? Napatigil ako sandali at walang ibang nasabi kung hindi “Ang sarap!”. Ang Pork Barbecue Ribs ay isang kilalang American cuisine at isa ito sa pagkaing paborito ng mga bansang nagluluto nito. Gawa ito sa pork ribs at espesyal na barbecue sauce. Kahit mataas ito sa saturated fat at kolesterol, ito’y mainam din na source ng protina at selenium. Sa pagtikim pa lang, malalasahan mo na sa iyong bibig ang pinaghalong tamis at anghang na nakabalot sa karne, at lalo pa itong sasarap kapag sinamahan ng french fried potatoes at malamig na juice.

            Iba talaga ang pakiramdam sa tuwing iyong kakainin ang paborito mong pagkain lalo na para sa akin. Bukod sa binubusog ako nito, natatanggal din pati ang pagod ko. Kumbaga, para akong nasa Cloud 9! Kaya hindi ako pumipili ng oras sa pagkain nito, mapaumaga man, mapatanghali o mapagabi.



       Isa sa pinakamahalagang pangangailangan ng tao ay ang pagkain.  Noong mga unang panahon, ito ay kinakailangan upang  mabuhay.  Sa kasalukuyan, halos lahat ng tao ay kumakain na lamang para sa katuwaan. Tulad ngayon, napakaraming okasyon ang nagaganap araw-araw. Iba't ibang lasa ang hinahanap ng tao: matamis, maasim, maalat, o kaya naman maanghang.  Sa dami ng klaseng pagkain sa mundo, minsan hindi na natin malinawagan ang saktong lasa ng mga ito. 
        Ang paborito kong pagkain ngayon ay ang "baked macaroni". Una ko itong natikman nung pinaglutuan ako ng nanay ko noong bata pa ako.  Sarap na sarap ako sa unang tikim pa lamang.  Ang sahog na nagpapasarap dito ay ang queso.  Napakacheesy nya! Ngayon ko lang nalaman na mahirap pa la siyang gawin. Hihimayin muna ang manok habang pinapakulo yung macaroni.  Dalawa ang sauce nito, isang pula at isang puti, na isasama lamang sa huli na bago mo ilalagay sa oven para i-bake.  Napakatsyaga pala ng nanay ko! Lagi namin ito niluluto tuwing may okasyon.
       Ganon pa man, sa hirap ng buhay ngayon, hindi lahat ay nakakaranas ng ganitong ginhawa. Marami paring nabubuhay sa kakulangang makabili ng maaayos at masasarap na pagkain. Masuwerte narin tayo dahil nakakakain tayo ng tatlong beses sa isang araw, minsan higit pa. At sa  modernong pamumuhay ngayon , marami nang nakapalibot na restawran sa atin.
 
 

mga masasarap na pagkain

                          
                               Likas sa ating mga Pilipino ang ating pagkahilig sa pagkain. Kaya nga nakakagawa tayo ng mga pagkain na tanging sa Pilipinas lang matatagpuan. Dahil na din sa  iba’t-ibang mga  bansa na sumakop sa atin nag-iwan  sila ng iba’t-ibang impluwensya sa ating kultura tulad ng pagkain na kanilang ipinakilala sa atin. Isa na sa mga dinala na pagkain ng mga espanyol ay ang kaldereta na sa paglipas ng panahon ay nakagawa tayong mga Pilipino ng ating sariling bersyon.

                                Ang kaldereta ay kilalang kilala sa Pilipinas lalo na sa parteng Luzon. Madalas itong ihanda sa mga okasyon tulad ng kaarawan,kasalan at kahit sa mga pyesta. Ang mga pangunahing sangkap nito ay karne ng kambing, baka o kaya  ng baboy, tomato paste o tomato sauce at liver spread pero sa metro manila nagdadagdag pa sila ng patatas dito. Talagang napakasimple lang ng mga sangkap nito pero nagi itong isa sa mga paborito nating mga Pilipino. Ang kaldereta ay isang lutong bahay kung saan ang ating nanay o kaya ang ating tatay ang nagluluto nito pero marami na ring mga restawrant ang inilalagay ang kaldereta sa kanilang menu. Mas patok parin itong itinda sa mga carinderia o turo-turo  dahil marami sa atin lalo na sa syudad ang umay na sa mga pagkain ng mga fastfood kaya naghahanap sila ng mga lutong-bahay tulad ng kaldereta. Kung titingnan natin ang itsura ng kaldereta  malamang ang iba ay matakot dahil sa kulay nitong pula na medyo orange dahil baka maisip nila na mukha itong dugo, pero siguradong pagkanila na itong natikman mag-iiba ang kanilang persepsyon dahil sa kakaibang  lasa nito. Karamihan pa nga sa atin ay gusto ang kaldereta na lagyan pa ng halang. Siguradong mamahalin ng mga mahihilig sa karne ang kaldereta dahil karne ang pangunahing sangkap nito. Hindi tulad ng ibang pagkain ang kaldereta ay hindi masama sa ating kalusugan maliban na lang kung masama sa atin ang pangunahing sangkap nito tulad ng tomato sauce.  Ang kaldereta rin ang hinahanap-hanap ng mga pinoy tuwing sila’y uuwi rito. Ito rin ang hinahanap-hanap ko tuwing uuwi ako sa quezon dahil isa ako sa mga nahalina sa lasa at sarap nito. Hindi mawawala ang kaldereta tuwing nagdaraos kami ng mga handaan. Kaya nga hinahanap-hanap ko ang luto ng aking tatay pag nabalik na ako dito sa maynila.

                                Likas akong mahilig kumain lalo na pag nakuha ng pagkain ang aking panlasa pero Iba ang kawilihan na nadudulot sa akin pag ako ay nakakakain ng kaldereta. Isa ito sa mga pagkaing nagsisilbing taga wala ng aking pagka-stress. Siguro para sa iba isa lamang itong ordinaryong pagkaing pinoy pero para sa akin at sa iba pang taong mahal at paborito ang pagkain na ito may natatago pa itong sarap na nais ko rin ninyong madiskubre.
 



Itong pagkain na ito ay panapanahunan lang. Masarap at malambot. Ito ay matuturingang "only in the Philippines" at kung tatanungin mo ang nakararami, tiyak, alam nila ito. Ang kakanin ay tradisyunal na meryenda ng mga Pinoy. Ang bibingka ay sumisimbolo na malapit na ang araw ng Pasko. Aba'y, sa amoy palang ay mahahalina ka na!


Ang bibingka na hinahanap-hanap ko ay matatagpuan lang dito sa amin, sa tindahan ng tita ko. Tradisyunal pa ang pagluto dito at ito'y nangingibabaw sa iba dahil sa taglay nito na kakaibang lasa. Ang sangkap nito ay nagmula pa sa lola ng lola ko at ngayo'y ipinagpapatuloy ng mommy at tita ko. Maliban sa madali lang gawin at madali itong maluto, mura na, masarap pa, kung kaya't maraming bumibili nito. Kung sa amoy pa lang ay mahahalina ka na, ang amoy ng para bang tinapay na matamis na may halong vanilla, papano pa kaya kung ito ay matitkman mo? Ang lasa nito ay matamis, at kung ang ispesyal naman ay matamis na mayroong halong alat. Tiyak, pag ito'y natikman mo, mapapa-"mmmm" ka sa sarap! Kung kaya't ito'y binabalik-balikan ng marami!

Sa sobrang pagmamahal ko sa pagkain na ito, di lang dahil ito'y masarap kundi dahil din sa sentimental na halaga nito, ako ay tumutulong sa mommy at tita ko sa pagbenta nito. Umaga, tanghali at gabi, tiyak hindi ka magsasawa! Walang kapantay ang lasa ng bibingka na ito dahil ang bibingka na ito ay number one! Tuwing ako ay kakain nito, di lang ako natutuwa dahil sa sarap pero, dahil dito, nagbabalik alaala ako nung narito pa ang mahal kong lola.




          Ang mga Pinoy ay mahilig kumain. Marahil ito ay epekto ng iba't-ibang kultura sa ating bansa. Magkakaiba ang panglasa nating mga Pinoy. May ilang mahilig sa maaalat, mayroon namang sa maasim, at may iba pa na hindi magpapahuli sa pagkaing maaanghang. Ngunit sa kabuuan, isa lang ang pinagkakasunduan ng karamihan sa atin, tayo ay mahilig sa matatamis.



          Isa na ako sa maraming taong nasasabik sa tuwing nakakakita ako ng pagkain, lalu na ang matatamis. Pero pinaka paborito ko sa lahat ay ang Crepe. Ito ay isang dessert na nagmula pa sa Brittany, France. Ang Crepe ay isang uri ng napaka nipis na pancake na may kadalasang may matamis na filling o di kaya ay prutas. Ito ay gawa sa harina, itlog, mantikilya at gatas. Ipiniprito ito ng napaka nipis sa hugis bilog, at saka ihahain nang may palaman sa loob. Maaari ring ipalaman sa Crepe iba pang uri ng palaman gaya ng ham, bacon, keso at iba pa. Ito ay napakasustansya, lalu na kung sarwang prutas ang ihahain mo kasabay nito. Ngunit dapat ay ating limitahan ang pagkain ng matatamis sapagkat ito ay maaaring magdulot ng ilang karamdaman.



           Paborito ko ang Crepe sapagkat ito ay madali lamang gawin. Higit pa dun ay maaari kong piliin kung anu-ano ang sangkap na ilalagay ko rito. Ito ay mura, masarap at masustansya pa. Kaya ikaw, oo ikaw nga, tikman mo na ang Crepe. Siguradong hahanap-hanapin mo siya sa sarap. Simula nung matikman ko ang kakaibang tamis na dulot nito, ako ay walang dudang nahulog para dito. Ang sweet niya kasi eh. :">
 
Madaming klase ng pagkain ang ating makikita sa tabi tabi. lahat ito ay masarap ngunit ito ay depende sa panlasa ng isang tao. tayo ay may iba't ibang lahi at iba't iba din ang mga panlasa natin. Para sa akinn walang tatalo sa sarap ng Shrimp Tempura. Ang malinamnam nitong lasa ay nakakapagpalaway sa akin. Sa tuwing ako ay madadaan sa isang Japanese restaurant ay hindi ko mapigilan ang aking sarili sa pagkain nito. Ito ay walang katulad. Ang malinamnam at masarap nitong hipon na ibinalot mo pa sa japanese bread crumbs na nakapagpalutong pa dito ay wala ng tatalo pa. Sa Tokyo Tokyo at Teriyaki Boy ito matitikman at ang lasa nito ay panalong panalo at wala ng tatalo pa. 

 
Sinasabi ng mga eksperto na ang tofu ay masustansya at mabuti sa kalusugan ng isang tao. Ako ay sumasang-ayon dito. Ang tofu ay gawa sa coagulating soy milk at saka ito pinagsama-sama upang magdikit dikit at saka hahatiin ng parisukat o parihaba. Nagtataglay ito ng maraming iron, kaunting calories at fat. Ang isa pang katawagan para dito ay beancurd. Ang salitang ito ay ginamit simula 1840.

Napakasarap ng tofu lalo na kung ito ay gawa ng Intsik. Sa Tsina kasi unang naimbento ito noong Han Dynasty pa. Kaya org na orig. Madalas akong nakakakain nito sa Teryaki Boy, Saisaki, Chowking at sa iba't-ibang Asian food establishments. Ang pinaka-paborito ko na luto o klase ng tofu ay ang Agedashi Tofu. Mula sa pangalan nito na agedashi, makukuha mo ang salitang "aged" na nagangahulugang ito ay naka-preserve ng mahabang panahon bago ito ihain sa hapag-kainan. Ito ay parisukat na tofu na may potato starch at saka ipinirito hanggan ito ay maging golden brown. Pagkatapos nito ay lalagyan na ito ng mainit na Tentsuyu. Ang tentsuyu ay isang espesyal na sauce na gawa sa toyo ng Hapon at spring onion. Kapag ako ay mag-oorder, automatic na yun sa mga magulang ko na gusto ko ng ganun. Minsan talaga ay pinagdadamot ko na ito sa aking mga kapatid sa sobrang gusto ko na malasap ang bawat kagat. Hindi ko matigilan ang pagkain nito lalo na kung pwedeng-pwede at walang pumupigil saking umorder. Hindi naman ito nakakataba kung kaya't okay lang. Sa Ingles nga, guilt-free ito na comfort food. Ngunit, aking ipinagtataka ay kung bakit ganito parin ang aking katawan. Hindi mapayat, hindi mataba. Chubby lang. Pa-humble pa! Naniniwala ako na hindi yun nadadaan sa kung ano ang korte mo, nasa loob mo at nararamdaman mo naman kung ikaw ay malusog o hindi. Para sa akin, nakatutulong ang tofu sa paglilinis ng toxins at pampalusog ng katawan.




Ang tofu ay ginagamit din sa ating paboritong taho. Wala naman sigurong Pilipino ang hindi pa nakakatikim nito. Kawawa naman siya kung ganoon. para sa mga hindi nakakaalam, ang taho ay gawa sa fresh tofu na hinaluan ng sago at tinunaw na asukal o syrup sa Ingles. Kung mayroon lang sa UST na murang bilihan ng Agedashi Tofu, hinding-hindi ko ito titigilan. Kahit ako lang ang customer ay okay lang. Aaraw-arawin ko ang pagbili hangga't sa magsawa ako at magmukha na rin akong tofu. Sana marami din akong maimpluwensya sa pagkain ng tofu kahit wala naman talaga itong lasa kung di mo sasamahan ng sauce. Isaisip sana nila na maganda ang nutritional content na nilalaman ng tofu. :)